Sabado, umuulan at nag-iisip kung anong magandang panoorin sa tv. Pero bago yan, may ikwekwento muna ako.
MEMORY CARD LOCKED- ito ang nakita ko sa LCD ng camera ko nung naisipan kong mag-kodak moment nung nakaraang araw. Ang ibig sabihin nga pala ng LCD sa camera ay Liquid Crystal Display, hindi Least Common Denominator. Balik tayo sa kwento, nung nakita ko nga yun, as usual, agad akong nagpanic na parang maliit na batang nabasag ang antique na kagamitan sa bahay. Parang may continuation kasi ang pagkasabi. MEMORY CARD LOCKED, LAGOT KA SA TATAY MO! …. Linsyak! Yun ang mga salitang paligoy ligoy sa isipan ko habang inaayos ang camera settings. Sa awa ng Diyos, naayos ko rin naman at itinuloy ang kodakan.
May mga pagkakataon talaga sa buhay natin na hindi natin maiiwasang maging praning. Natural lang yan kung tao ka. Halimbawa, nakita ng isang nanay na nadapa ang anak niya. Agad yan susugod at tatawagin ang lahat ng santo. Parang ganito: Santo santisima ang anak ko!! Diyos ko, anong nangyari sayo?! Pag nalaman nyang ok lang ang anak, sigurado na ang kasunod na sermon. Ikaw talagang bata ka! Hindi ka nag-iiingat, halika nga rito! sabay kukurutin sa gilid. Pero kahit ganyan, ramdam natin ang pagmamahal ni nanay.
Pangalawang halimbawa: reporting sa klase at nakalimutan mong turno mo na sa araw na yun. Master ako nito, nakakalimutan ko minsan na ako na mag-rereport at nagiging super duper religious ako. Grabe kasi ang pagdadarasal na sana walang klase o bibisita sana sina Susy at Geno o di kaya guguho sana ang classroom ng 30 minutes! At kung magrereport ka nga, para kang nilalamon at namamatay sa mga tingin ng mga kaklase at prof mo sayo!
Nakakatuwa talaga ang mga sandaling yan pero alam mo ba na sa pagiging praning minsan ng isang tao, mararamdaman niyang may saysay ang buhay niya. Kaya ako, hindi ko ikinahihiya na kinakabahan at nagiging praning minsan sa mga bagay bagay lalo na kung importante sa buhay ko. Kaya kung praning ka rin paminsan-minsan, wag mong isipin na ibang tao ka at weird kasi lahat ng tao sa mundo nagkakaroon ng praning moments. Sa mga panahong yan, wag kalimutan na uminom ng tubig, sabi kasi ng Reader’s Digest (naks! bumabasa na pala ako nito!), kinakalma ng tubig ang mga nerves ng tao sa tuwing kinakabahan ito. Kaya uminom ka lang ng tubig. Okims? Pero kung araw araw ka nalang nagiging praning. delikado na yan. Pumunta ka na sa pinakamalapit na rehabilitation center.
Magsisimula na ang pelikula, ishu-shut down ko na muna ang PC at baka mag-oover heat at sasabog. Praning talaga. Cool.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment